MGA PAGBASANG PANG-ARAW-ARAW (Enero 22, 2019)

MARTES NG IKA-2 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (TAON I, Berde)

UNANG PAGBASA (Hebreo 6, 10-20)

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, makatarungan ang Diyos. Hindi niya lilimutin ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita at hanggang ngayo’y ipinakikita sa paglilingkod ninyo sa inyong mga kapwa Kristiyano. At pinakananais ko na ang bawat isa sa inyo’y patuloy na magsumikap hanggang wakas upang kamtan ninyo ang inyong inaasahan. Kaya’t huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong nagtitiis at nananalig sa Diyos at sa gayo’y tumangap ng mga ipinangako niya.

Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya’y nanumpa sa kanyang sariling pangalan yamang wala nang hihigit pa rito na kanyang mapanunumpaan. Sinabi niya, “Ipinangangako ko na lubos kitang pagpapalain, at pararamihin ko ang iyong lipi.” Matiyagang naghintay si Abraham, at kanya ngang nakamtan ang ipinangako sa kanya. Nanunumpa ang mga tao sa ngalan ng isang nakahihigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito’y natatapos na ang usapan. Gayon din naman, pinatibayan ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakilala sa kanyang mga pinangakuan na hindi nagbabago ang kanyang panukala. At hindi nagbabago ni nagsisinungaling man ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito–ang kanyang pangako at sumpa. Kaya’t tayong nakatagpo sa kanya ng kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay. At ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing sa templong panlangit, sa dakong kabanal-banalan na pinasukan ni Hesus na nangunguna sa atin. Doon, siya’y isang dakilang saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.

– Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN (Salmo 110, 1-2. 4-5. 9 at 10k)

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Buong puso siyang pasasalamatan,
aking pupurihin sa gitna ng bayan
kasama ng mga lingkod na hinirang.
Napakadakila ang gawa ng Diyos,
pinananabikan ng lahat ng lingkod.

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Hindi inaalis sa ating gunita,
na siya’y mabuti’t mahabaging lubha.
Sa may pagkatakot pagkai’y sagana;
pangako ng Poon ay hindi nasisira.

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

Kaligtasa’y dulot sa mga hinirang,
may ipinangakong walang hanggang tipan;
Banal at dakila ang kanyang pangalan;
At pupurihin pa magpakailanpaman.

Tugon: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain.

ALELUYA (Efeso 1, 17-18)

Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ’yo.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA (Marcos 2, 23-28)

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Hesus at ang kanyang mga alagad sa tabi ng triguhan. Habang daa’y nangingitil ng uhay ang mga alagad, kaya’t sinabi ng mga Pariseo kay Hesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Bawal iyan kung Araw ng Pamamahinga!” Sinagot sila ni Hesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong si Abiatar ang pinakapunong saserdote? Nang siya at kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos. Ayon sa Kautusan, ang mga saserdote lamang ang may karapatang kumain niyon, ngunit kinain iyon ni David, at binigyan pa ang kanyang mga kasama.” Sinabi pa ni Hesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa kabutihan ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t maging ang Araw ng Pamamahinga ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Anak ng Tao.”

– Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay: Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Siya’y nahahabag sa pinagdadaanan ng tao sa buhay. Kaya tayong mga Kristiyano ay tinatawag na mahalin ang kapwa-tao sa pagpapamalas ng kabutihan. Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paghaharap ni Hesus sa mga eskriba at Pariseo sapagkat napansin nila ang mga Apostol ay nangingitil ng uhay sa Araw ng Pamamahinga. At ayon sa Kautusan ni Moises, labag sa utos tungkol sa sabat ang pagtratrabaho. Ngunit ang tugon ni Hesus ay ang kwento ni Haring David at ang kanyang mga kasamahan nang sila’y mamamatay na sa taggutom, at kinain nila ang tinapay mula sa altar na dapat ang mga pari katulad ni Ahimelech lang ang maaring hawakan ito. Kaya ito’y naging espesyal na pagkakataon sapagkat ginawa iyon ni David upang mapalusog sila. Ang naging aral ng salaysay ay nang sabihin ni Hesus na ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa ng Diyos para sa tao, at hindi ang tao ang gumawa ng okasyong iyon. Bilang Anak ng Tao, si Kristo ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga. Ang ikatlong utos ay nagsasaad sa paggalang at pagsamba sa Diyos na lumikha ng sandaigdigan sa loob ng 6 na araw at isinaalang-alang ang ika-7 bilang pamamahinga. Kaya sa ating mga Kristiyano, ang ating “sabbath” ay tumapat tuwing araw ng Linggo sapagkat inaaalala natin ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon. Ang Pagkabuhay ng Panginoon ay itinuturing na “ikawalong araw” sapagkat ito’y tanda ng pagbubukang-liwaway ng bagong nilikha. Tayo ay minarapat na biyayaan ng karapatang maging mga anak ng Ama. Ito’y isinasaad sa Unang Pagbasa na kailanma’y magigint tapat ang Ama sa kanyang tipan na nagmula kay Abraham at isinakatuparan ni Hesukristo. Kaya ang mahalaga dito na sa bawat araw, lalung-lalo na sa Linggo, maghari nawa ang ating pagmamahal sa Diyos at kapwa-tao sa kabila ng mga striktong pagsunod sa kautusan. Kung tayo ay itinuturo na gumawa ng tama at talikdan ang masama, gawin natin itong pagkakataon na gumawa ng mabuti, at kasama na diyan ay ang pagpapamalas ng ating awa at malasakit sa ibang tao.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.