MGA PAGBASANG PANG-ARAW-ARAW (Agosto 2, 2018)

HUWEBES NG IKA-17 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (TAON II, Berde)

 

UNANG PAGBASA (Jeremias 18, 1-6)

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Magpunta ka sa bahay ng magpapalayok, at may ipahahayag ako sa iyo.” Nagpunta naman ako, at dinatnan ko ang magpapalayok sa kanyang gawaan. Nakita kong kapag ang ginagawa niyang sisidlan ay nasira, minamasa niya uli ang luwad, at hinuhugisan nang panibago.

Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Hindi ko ba magagawa sa bayang Israel ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na iyon? Kayo’y nasa mga kamay ng magpapalayok. Akong Panginoon ang may sabi nito.”

– Ang Salita ng Diyos.

 

SALMONG TUGUNAN (Salmo 146, 2abk. 2d-4. 5-6)

Tugon: Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.

O kaluluwa ko, ang Diyos papurihan!
Pupurihin siya’t aking aawitan;
Aking aawitan habang ako’y buhay.

Tugon: Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.

Sa mga pangulo’y h’wag kang manghahawak,
Kahit na kaninong di makapagligtas;
Kung sila’y mamatay, balik sa alabok,
Ang anumang balangkas nila’y natatapos.

Tugon: Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.

Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos
Na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob;
Sa Diyos na lumikha niyong kalangitan,
Ng lupa at dagat, at lahat ng bagay.

Tugon: Mapalad ang kinukupkop ng Poong Diyos ni Jacob.
ALELUYA (Mga Gawa 16, 14b)

Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!

 

MABUTING BALITA (Mateo 13, 47-53)

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukirin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. Gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.

“Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Hesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan.”
Nang masabi na ni Hesus ang mga talinghagang ito, siya’y umalis doon.

– Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

 

Pagninilay: Sa ating Unang Pagbasa (Jeremias 18:1-6), ipinakita ng Diyos kay Propetang Jeremias ang kanyang patuloy na pagmamahal sa bayang Israel na katulad ng isang manggagawa ng palayok. Itong sisidlan ay sirang-sira, ngunit ito’y minamasa muli at hinuhugisan ng bagong luwad. Nais ipahiwatig ng Diyos na siya’y patuloy na magmamahal sa gitna ng kasalanang ginawa ng tao laban sa kanya at sa ibang kapwa-tao. At siya’y gagawa ng magandang plano mula sa isang pangit na epekto ng pagkakasala. Patuloy na pagbibigyan ng Panginoon ng pagkakataon upang magbago ang tao at maging matapat sa kanya. Ngunit may hangganang hahantong ang buhay ng tao na siyang magiging basehan kung ang buhay ba ay puno ng kabutihan o kasamaan. Sa ating Ebanghelyo (Mateo 13:47-53), tinatapos na ni Hesus ang kanyang mga talinghaga tungkol sa Paghahari ng Diyos. Dito’y inihantulad niya ang Kaharian ng Diyos sa isang lambat na inhagis sa dagat upang manghuli ng isda. At paghihiwalayin ng mga mangigisda ang mga mabubuti sa walang kwenta: ang mabubuti ay ititipon sa bangka, samantala ang walang kwentang isda ay itatapon sa dagat. Ito’y pahiwatig tungkol sa Muling Pagpaparito ng Panginoon na ang mga matutuwid ay idadalhin sa langit, ngunit ang mga masasama ay itatapon sa mga apoy ng Gehena. Kaya’t habang tayo’y namuhay sa daigdig na ito, patuloy na bibigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataon upang mamuhay nang kalugud-lugod sa kanya. At mula sa parabula ng lambat, makikita natin ang papel ng Simbahan bilang institusyon ng dakilang habag ng Diyos na ang layinin ay ang kaligtasan ng mga kaluluwa para sa Diyos. Sabi nga na ang Simbahan ay ang ospital ng mga makasalanan upang dito’y maging banal at matuwid ang pamumuhay ng tao. At tayo rin ay tinatawag upang maging mga saksi ng dakilang habag ng Diyos. Bagamat hindi perpekto ang mga namumuno at nabibilang dito, patuloy na tinatawag tayo ng Panginoon na maging matapat sa kanya sa pagdedebosyon ang pagsasabuhay ng ating pananampalatayang Katoliko. Kaya nawa sa ating buhay pangKristiyano ay magampanan natin ang kaluwalhatian ng buhay na walang hanggan sa kalangitan sa pamamagitan ng matapat na pamumuhay sa paningin ng Diyos at sa paggawa ng kabutihan sa kapwa.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.